“Sapatos”
May fini-fit ako noon na sapatos sa Converse. Okay lang ang presyo. Maganda
ang material. Astig ang hitsura. At kapag suot ko, astig ang dating . May
isang problema nga lang… masakit sa paa.
Pero cute kasi siya eh. Saka on sale. At sadyang matigas ang ulo ko. Kaya
ayun, binili ko.
Sa umpisa, okay lang naman. Keri ko. Saka masakit naman talaga sa paa ang
bagong sapatos. Pero habang lumilipas ang oras, lalong sumasakit. Hindi
siya meant sa pangmatagalang suot. Habang suot ko siya, parang gusto kong
umiyak sa tuwing humahakbang ako. Pagdating ko ng bahay, puro sugat at
galos ang paa ko. At ilang linggo din akong may peklat sa paa dahil sa
diyaskeng sapatos na iyun.
Kapag sa umpisa pa lang, alam mo na masakit na sa paa at hindi mo puwedeng
suotin ng matagalan, huwag mo nang bilhin. Bakit mo pa itutuloy kung alam
mong masasaktan ka lamang kapag sinuot mo?
Parang pakikipag-relasyon din iyan eh. Bakit mo pa itutuloy kong alam mong eventually ay masasaktan ka lang?
Lesson learned:
Kung sa umpisa pa lang, alam mo na masasaktan ka lamang sa bandang huli,
huwag mo nang ituloy. Baka mag-iwan pa iyan ng scar na hindi mo na maaaalis
kailan man.